Ano? Hero Ka?

Siguro nga feeling mo hero ka, 'no? Bakit nga ba?

Dahil ba nakiisa ka sa iba pang mga bayani noong panahon ng Ondoy?

Dahil nakisawsaw ka sa mga online campaign para sa mga nabaha ni Ondoy?

Siguro sumama ka pa sa pamimigay ng mga food packs at kung ano ano pang relief goods.

At malamang ginawa mo pa ito habang nakasuot ng t-shirt na may mapa ng Pilipinas.

Oo nga hero ka. Hero-kung-uso.

O ano tinamaan ka? Kung oo problema mo na iyun.

Ikaw naman ang may gustong magpaka-bayaning kuno kuno eh. Alam mo ba yun? Yung tinatawag na "too late the hero".

Teka, siguro naman narinig mo na ang mga sabi sabi na malamang tatamaan na naman ang Pilipinas ng matinding sakuna kagaya ng ipinaranas sa atin ni Ondoy.

Sa tingin mo, nakahanda na ba tayo para dito? Kung "oo" ang sagot mo isa kang bobong hero. Hindi ko na ipaliliwanag kung bakit. Basta. Isa kang bobong hero na naghihintay na namang makiuso.

Kung "hindi" naman ang sagot mo, mabuti. Magaling, magaling, magaling. At least alam mong, sa kabila ng naranasan natin noong nakaraang taon, hindi pa rin tayo handa.

May pagasa ka pang maging tunay na hero.

Simple lang namang maging tunay na hero kung tutuusin. Gawin mo lang ang mga bagay na makakatulong hindi lamang sa iyo kundi pati na rin sa kapwa mo. Ang pinakamahalaga gawin mo ito bago pa man dumating ang trahedya.

Pro-active baga imbis na reactive.

Hindi ko alam kung anong pro-active na pagkilos ang pwede mong gawin. Malay ko ba kung ano ang kakayahan mo at kung ano ang iyong mga resources.

Bahala ka kung ano sa tingin mo ang dapat mong gawin.

Ako, dadaanin ko lang muna ang aking pagtulong sa pamamagitan ng aking "boses". Tutulong ako sa pagpapalaganap sa mga kampanya at inisyatibong tunay na magpapalakas sa kahandaan ng ating bansa para sa mga trahedya't sakuna tulad ng mga bagyo, pagbaha at maging ang matinding kakulangan sa tubig.

Maliban diyan sisikapin ko ring maging ehemplo sa aking pamilya, kamag-anak, kaibigan, kaaway, kapitbahay at kung sinomang gustong pumansin. Gagawin ko ang mga sumusunod:

  • Babawasan ko ang aking basura
  • Mag-re-recycle ako
  • Babawasan ko ang paggamit ng mga plastic
  • Titiyakin kong hindi mapupunta sa mga kanal at estero ang basura lalo na ang mga non-biodegradable
  • Hindi ako magaaksaya ng tubig
  • Hindi ako mag-sisiga lalo na ng mga nakakalasong platic
  • Titigilan ko na ang paninigarilyo
  • Kung hindi ko naman ito magawa, titiyakin kong hindi ko itatapon kung saan saan lamang ang gamit na filter ng aking sigarilyo
  • Magbabawas ako sa konsumo ng kuryente
  • Ipapasa ko rin ang aking nalalaman sa mga taong walang panahong mag-isip kung ano nga ba ang problema ng bansa at kung ano ang pwedeng gawin ng mga mamamayan para sa ikalulutas ng mga ito

Malinaw naman siguro na hindi kumpleto ang aking listahan. Problema ko na 'yun. Ang problemahin mo ang sarili mong listahan. Gagawin ko ang magagawa ko; gawin mo ang magagawa mo.

O ano hero ka ba talaga o hero-kung uso?